Pagkutitap ng Maliwanag na Pag-asa’t Pag-ibig

Maningning na liwanag na kumikislap-kislap sa bawat pagkutitap ng isang nagsasayawang natatanging himig. Simoy ng hanging bumabalot sa bawat ngiting may huni ng galak at pag-asa. Tamis ng halakhak at maamong paghihintay ng kasiyahan. Mga katangian ng isang naglalagablab na pagsalubong sa isang pistang ipinagdidiriwang ng lahat. Bata man o matanda, may pera man o wala, lahat ay naglalayong puminta ng isang malawak at malapad na ngiti para sa paparating na bagong simula ng pag-asa.

Kabihasnan ng Bagong Pag-ibig
                Libung taon na ang nakalilipas noong binisita ni Arkanghel Gabriel si Mahal na Birheng Maria para ihatid ang magandang balita na darating sa kanya. Ibinahagi ng anghel ang regalong kanyang matatanggap. Isang bagong pag-asa! Isang bagong simula! Isang hudyat ng paglimot at pagbabalik-tanaw ng kalooban! Isang pag-ibig. At hanggang sa ngayon, ang araw na itinakda ay ang nagbubuhay ng pag-asa sa bawat pakikibaka sa pagkamit ng tunay na diwa ng kasiyahan. Ang regalong ito ay walang iba kundi ang natatangi nating pag-ibig – si Hesus.

Pagyakap sa Himig ng Bagong Pag-asa
                Sa paglipas ng panahon, ang diwang ito ay mas napapaigting pa ng panahon. Sa tala ng mga statistiko, ang Pilipinas ang tinaguriang may “pinakamahabang pagdiriwang ng kapaskohan” kung saan sa simula pa lamang ng Setyembre, umaalingaw-ngaw na ang himig ng pag-asa. Mga maningning na dekorasyon na nagsisilbing daan para ipakita ang pagyakap ng isang bagong simula. Kaliwa’t kanang pagbigkas ng mga nakakatunaw-damdaming awiting mas nagpapatibay ng selebrasyon.

Ang Setyembre ng Pagsisimula
                Sa pagpasok ng “ber months” makikita na sa bawat dingding ang parol na nagsasayawan sa hanging pumupuno ng pagkagalak. Sa buwang ito, nagsisimula ng magsabit ang mga Pilipino ng mga dekorasyong nagpapalagkit sa tamis ng kapaskohan. Labis na paghahanda ang kanilang iniaalay para lamang sa kasaganahan sa pagsalubong sa nalalapit na diwa ng kapaskohan. Sa bawat patpat na hinuhugis bilang tala, at sa bawat makukulay na pambalot na ipinapakita, ang labis na paghahanda ay ang tunay na nailalathala.

Pagpipinta ng Matamis na Ngiti
                Sa papalapit na pagdiriwang, ang mga bata ang higit na napasahan ng isang naiibang galak sa pagsalubong ng kaarawan ng batang Hesus. Sa kanilang ngiti, sila ang naghahawa ng magandang presensiya ng pasko sa naiibang tamis ng himig ng kanilang halakhak at sa bawat paghihintay ng kanilang mga regalo galing sa Poong Maykapal.

Pagtatanaw sa Mas Maliwanag na Daan
                “Simbang Gabi” o “Misa de Gallo” ang isa sa mga paghahanda ng mga Pilipino. Sa bawat pagsimba nila sa pagpatak ng hating gabi, sila ay sumasambit ng mga dalangin para sa  nalalapit na pagdating na kaarawan ni Hesus. Sa bawat panalangin ay buong puso nilang sinsambit ang mga katagang “Amen, Amen” na tila ba isa itong mahika na bumubuhay sa kanilang kalooban sa oras na tila nakakalimutan nila ang tunay na depinisyon ng bagong pag-asa.

Sa Pagdating ng Kaarawan
                Sa pagpatak ng alas dose ng hating gabi ng ika-25 ng Disyembre, lahat ay naghihintay sa bawat pagpilantik ng kamay ng mga orasan sa kanila-kanilang mga tahanan. Bitbit ang mga nakakatakam na pagkaing kanilang linuluto para lamang sa pagsalubong ng kaarawan ni Hesus. Pinagsasaluhan ng bawat kasapi ng pamilya ang kanilang handa at sama-samang nag-aawitan sa himig na hatid ng araw ng kapanganakan ng nag-iisa at walang nakakapantay na pag-ibig ng  bawat nilalang – si Hesus.


                Hatid ng pasko ay isang magandang himig ng bagong pag-asa. Nararapat lang na malaman natin kung ano ba talaga ang sumisimbolo nito. Hindi nasusukat ang engrandeng pagdiriwang nito sa mga nakakatakam na pagkain at mga magagarang kasuotan. Ito’y lubos na nasusukat sa pusong labis na naghahangad ng bagong simula at pusong may kakaibang hugot ng pagyakap para sa bagong pag-asa. Ang pasko ay pag-ibig at pag-ibig natin ang ating mahal na Hesus.

Mga Komento

Kilalang Mga Post